GLORIA, Oriental Mindoro (Eagle News) – Nangangamba ang mga nagtatanim at negosyante ng sili sa Gloria, Oriental Mindoro dahil sa unti-unting pagkasira ng kanilang pananim sanhi ng hindi maipaliwanag na sakit na dumapo sa mga ito.
Ayon kay Gng. Ofelia An Rodriguez, dati umaani sila ng 3 tonelada ng sili ngunit ngayon ay isang tonelada na lamang. Apektado rin aniya ang limang kumpanya na umaangkat sa bodega ng Divisoria kung saan nila dinadala ang mga inaning sili. Maari rin aniyang mawalan rin ng hanap-buhay ang mga nagtatrabaho sa taniman kung hindi agad malalaman ang dahilan ng pagkabulok ng mga bunga nito.
Sa pagbisita ni Municipal Agriculturist Officer August Mantaring sa taniman ng sili, sinabi nitong maaring may kakulangan sa sustansya ang lupa tulad ng calcium, magnesium, boron at iba pang substance na nakakaapekto sa halaman. Ang madalas na pag-ulan subalit mainit naman ang temperatura ay nagiging sanhi rin aniya ng pagkasira ng tanim.
Ang mungkahi nila kay Gng. Rodriguez, pansamatalang gumamit ng mga organikong abono o pataba mula sa tanggapan ng Pambayang Pagsasaka kasabay ang iba pang natural na pamamaraan sa isang bahagi ng taniman at obserbahan kung magkaroon ng pagbabago.
Makikipag-ugnayan naman ang Municipal Agriculture Office sa Tanggapan ng Pagsasaka sa UPLB – Laguna upang ikonsulta ang naturang problema.
Rommel Medaflor at Melani Lagrana – EBC Correspondents, Oriental Mindoro